Quantcast
Channel: LIVE UPDATES: Ginebra vs TNT – PBA Governors’ Cup Finals, Game 6
Viewing all articles
Browse latest Browse all 2500

[Episodes] Bakit mahirap maging media literate?

$
0
0

Nitong nakaraang taon ay nagkaroon ng proyekto ang Department of Journalism sa UP katuwang ang Initiatives for Media Freedom ng Internews at USAID. Tinawag itong Media and Information Literacy (MIL) project at naglayon itong makatulong na punan ang ilang puwang sa pagtuturo ng MIL sa senior high school. 

Ang MIL ay module na tinatalakay sa Grade 11 o Grade 12. Ayon sa curriculum na inilabas ng Department of Education noong Disyembre 2013, 80 oras dapat ang igugol sa MIL, na kukunin ng mga bata sa loob ng isang semestre. 

Para sa proyekto, naglabas ang UP ng sampung maiiksing lecture videos sa YouTube at kaakibat na Teacher’s Module – pero hindi ko na layuning ikuwento ito rito. Madali namang hanapin ito sa internet. Sa halip, pagtutuunan ko ng pansin ang mga lumabas sa ginawa naming focus group discussion bago pa man gawin ang mga video. Ang FGD kasi ay ginawa para makasigurong hindi huhugutin sa ere ang mga ideya para sa mismong proyekto. Mabuting magkaroon ng matibay na basehan ang lahat ng gagawin. Siguradong ang mga isyung tutugunan ay mga suliraning tunay na naranasan ng guro o estudyante. 

Tatlong FGD ang naganap: Isa, kasama ang sampung guro mula sa UP College of Education, na nagpulong nang face to face. Makalipas ang ilang araw, siyam na guro naman sa senior high school sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang tinipon namin sa isang Zoom meeting. Sa pangatlong FGD, mga BA Journalism students naman ng UP Diliman ang kasama: siniguro naming nasa una o ikalawang taon sila sa kolehiyo para sariwa pa sa kanilang alaala ang napagdaanan nila noong senior high. 

From Our Archives

Students, professionals turn to videos in promoting media literacy, fact-checking

Students, professionals turn to videos in promoting media literacy, fact-checking

Ayon sa DepEd, “The course introduces the learners to basic understanding of media and information as channels of communication and tools for the development of individuals and societies. It also aims to develop students to be creative and critical thinkers as well as responsible users and competent producers of media and information.” Pero katulad ng maraming bagay, malaki ang pagkakaiba ng layunin sa aktuwal na nangyayari. 

Kasama ng mga puna sa FGD ay ang hindi pagiging updated ng curriculum na sinusunod. Noong 2013 naman kasi, hindi pa bukambibig ang katagang “fake news” (ipinaloob ko sa quotation marks dahil isa itong oxymoron; hindi naman talaga balita ang isang bagay kung ito ay peke). Teacher-centered rin daw ang pagtuturo, ibig sabihin, nakabatay sa pagtupad ng guro na sundin ang curriculum at ituro ang mga nakasaad dito kaysa sa makinig ng magkakaibang paraan ng pagkatuto ng mga estudyante. May pagdiin sa mga teorya na parang hindi natatapatan ng aplikasyon. Masyadong maraming learning competencies ang gustong maabot samantalang limitado ang panahon at isang semestre lang ito intinuturo. 

Sabi naman ng mga guro sa senior high – ang ilan sa kanila ay nagtuturo ng MIL at ang iba ay ibang subject – hindi naabot ng MIL ang pag-iisip na kritikal at pagiging mapanuri ng mga estudyante. Maganda rin daw sanang maibahagi sa mga bata ang pagiging skeptical, o iyong hindi basta-basta naniniwala sa narinig o nabasa, at pagiging bukas ng isip at paggalang sa ibang may taglay na ibang opinyon. 

Isa sa mga pinakalumutang sa FGD kasama ng mga guro sa senior high ay ang pagtuturo ng MIL ng mga gurong wala namang sapat na kasayan para dito – halimbawa, maaatasang magturo dahil lang kailabgan nila ng dagdag na units para sa load, kahit pa PE o ibang larangan ang napag-aralan.

Sa kabila nito, sinabi ng mga gurong nagsisikap ang mga kasamahan nila sa pagtuturo ng MIL sa abot ng kanilang makakaya. Dito lumalabas ang pagiging dedikado nila sa kanilang bokasyon. Pero syempre, may hangganan ang mga magagandang intensiyon. Nagbibigay rin ng dagdag na training ang ilang pribadong paaralan, pero ang mga pampublikong eskuwela ay karaniwan nang salat sa pondo hindi lang para sa training kung hindi sa mga gamit sa pagtuturo. Malaki rin ang bilang ng mga estudyante kumpara sa bilang ng guro at silid-aralan. Alam na alam natin ito. 

Hindi raw makarating sa antas ng critical thinking ang mga bata dahil kulang na sa basic literacy, comprehension, at writing skills. Ito rin ang naipipinta ng nailathalang resulta ng Program for International Student Assessment (PISA), kung saan pang-77 sa 81 na bansa ang Pilipinas noong 2022. Ang PISA ay sumusukat ng performance ng mga 15-taong-gulang sa tatlong larangan: matematika, pagbasa, at agham: mabababa ang puntos ng Pilipinas sa lahat ng ito, na para bang lima o anim na taon tayong napag-iiwanan. 

Must Read

[In This Economy] PISA 2022: Nowhere to go but up?

[In This Economy] PISA 2022: Nowhere to go but up?

Pinaigting pa ng pandemya ang learning gaps ng ating mga estudyante. May isa ring guro na nagsabing dahil sa polisiyang “no child left behind,” nagkakaroon ng pagkakataong umusad sa susunod na grado ang ilang bata kahit na hindi nila naabot ang mga kailangang matutunan. 

Ito rin daw ang dahilan kung bakit madaling napapaniwala ang mga bata sa kung ano ang nakikita nila sa social media. Nahihilig sila sa mga pranks at mga isyu sa show business – wala namang masama dito pero hindi sana dito nagtatapos ang kanilang interes. Kung minsan daw, ang mga kapwa guro pa nila mismo ang nagkakalat ng disimpormasyon. 

Ibinahagi naman ng mga estudyante ng peryodismo sa ikatlong FGD na hindi pare-pareho ang pagtuturo ng MIL sa iba-ibang paaralan. Sana rin daw ay naisama ang iba pang paksa tulad ng pagiging responsableng konsyumer at prodyuser ng impormasyon, ethics, online behavior, at iba pa. Tuloy, ang nangyayari, nagsusumite lang sila ng mga gawain para lang may maipasa at matapos na, kaysa para maipakita ang kanilang natutunan. Kinilala namin na itong mga estudyanteng kalahok sa FGD ay siyang mga nagtuloy ng kursong peryodismo, kaya’t baka sa simula pa ay iba na ang kanilang pagpapahalaga at hinahanap sa MIL. 

Naalala kong nanlumo ako nang marinig ko ang mga sinabi sa tatlong FGD pero hindi naman nakakagulat ang resulta. Tunay ngang mas malalim at mas malawak ang suliranin kaysa isang kurso sa isang semestre. 

Naipaalala ng mga FGD ang kalunos-lunos na estado ng edukasyon sa ating bansa, at naipakita kung bakit parang luxury o bonus na lang na magkaroon ng pag-iisip na kritikal ang marami nating kababayan. Sa mas pinagbabatayang pagkatuto pa lang kasi ay hirap na hirap na ang mga mag-aaral. 

Patuloy ang paghahanap ng solusyong pangmatagalan. 

Samantala, may kabuluhan sa pagtinging sa media and information literacy hindi bilang isang kurso sa senior high school, kundi isang pamamaraan ng pamumuhay. Magandang gawing layunin na marami sa atin ay tunay na maging media and information literate. Dahil laging may bago at pagbabago, walang sino mang magiging tunay na maalam. Bukod sa disinformation, nariyan na rin ang issue ng artificial intelligence – ano pa kaya ang susunod? Matutunan lang sana nating maging bukas sa mga bagong kaalaman at kaisipan habang nag-iisip para sa ating mga sarili, nang sa gayon ang mga desisyong ating gagawin at ang mga bagay na ating paniniwalaan ay tiyak na sa atin lang. – Rappler.com

Adelle Chua is assistant professor of journalism at the University of the Philippines. She was opinion editor and columnist for Manila Standard for 15 years before joining the academe. Email: adellechua@gmail.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 2500